Kasabay ng ika-40 taon na pagsasahimpapawid ng programang Ang Dating Daan ay ang paglulunsad ng official website nito na AngDatingDaan.org sa bago nitong disenyo.
Mas Pinagandang Features ng Ang Dating Daan Website
Simple at user-friendly ang bagong mukha ng angdatingdaan.org. Moderno at ‘timeless’ na disenyo, gayon din ang pagiging isang “online learning hub” lalo na pagdating sa mga bagay espirituwal, ang inspirasyon ng bagong website.
Sa homepage navigation pa lamang, may giya na ang user sa pagkilala sa programa, pagdalo sa mga live events nito gaya ng Bible Exposition at Bible Study, paghanap ng mga tanong at sagot na interesado sila, pag-anib sa samahang Members Church of God International, at sa pakikipag-ugnayan kay Bro. Eli Soriano at sa Ang Dating Daan.
Apat na dekada nang nagsasahimpapawid ang Ang Dating Daan at malalaman ang komprehesibong detalye kung paano ito nagsimula at naging isang worldwide program na ngayo’y naririnig sa halos lahat ng kontinente, sa pamamagitan ng History & Broadcast Milestone interactive timeline sa website.
Agad ding makikita sa homepage kung mayroong live broadcast ang Ang Dating Daan.
Para madaling hanapin at i-browse, inayos rin ang pagkakalagay ng mga video ng Bible Study, Bible Exposition, at maiiksing Q&A. Bukod sa focused search feature, maba-browse na rin ang Q&A videos ayon sa paksa o tema. Bawat Q&A video ay mayroon ding text version para sa mga gustong magbasa lang. Makikita rin sa website ang koleksiyon ng Bible Study at Bible Exposition videos na pwedeng panoorin anomang oras sa kani-kaniyang page.
Bagong feature rin ng website ang Mga Babasahin kung saan mababasa ang mga bagong balita tungkol sa Ang Dating Daan at mga katatapos lang na live events nito.
Karamihan din sa mga palaging tanong ng mga manonood gaya ng kung papaano dumalo sa mga live events at makakapagtanong kay Bro. Eli, o paano makakahingi ng libreng Biblia o anomang tulong, o kung saan ang pinakamalapit na coordinating center sa kanilang lugar, ay may sagot na sa Frequently Asked Questions (FAQs).
Nasa website rin ang mga numero at e-mail kung papaano mas madaling makipag-ugnayan sa Ang Dating Daan.
Ang Angdatingdaan.org Noon
Taong 1999 nang unang ilunsad ang angdatingdaan.org at nagsilbing online resource para sa mga tagapanood ng programa na may access sa internet. Isa ang Ang Dating Daan website sa mga naunang nagpasimula ng live streaming sa World Wide Web. Bago pa man naipakilala ang YouTube at iba pang web streaming platforms, pinasimulan na ng programa ang webcast nito kung saan mapapanood ang pangangaral ni Bro. Eli 24 oras araw-araw.
Dahil sa mga inobasyong pinasimulan at ipinakilala ng angdatingdaan.org at sa pagtangkilik ng mga masugid na manonood ng programa, kinilala itong Best Website of the Year sa Organizations Category ng Philippine Web Awards (PWA) noong 2006. Anim na beses din itong pinarangalang Most Popular Website Of the Year at pitong beses tumanggap ng People’s Choice Award simula 2002 mula rin sa Philippine Web Awards. Ang PWA ay isang award-giving body na nagpaparangal sa mahuhusay na website na gawang Pilipino.
Sa bagong disenyo ng Ang Dating Daan website, layunin pa rin nitong maging handang sanggunian ng mga taong naghahanap ng katotohanan ukol sa buhay, pananampalataya, kaligtasan at Biblia.
Patuloy ang gagawing pagpapaganda at pagdadagdag ng mga makabuluhang features sa website sa mga darating na araw kung loloobin ng Panginoon. Para sa inyong mga komento o suhestiyon, makipag-ugnayan lamang po sa amin.
Isinulat ni Tin Lauderes at Hazel David