Ang Dating Daan YouTube Channel, May Bagong Pangalan

September 24, 2021
Ang Dating Daan YouTube Channel, MCGI Channel

Simula ngayong buwan ay tatawagin na sa bago nitong pangalang MCGI Channel ang kilalang YouTube account na Ang Dating Daan.

Bilang flagship YouTube channel ng Members Church of God International (MCGI), opisyal na pinalitan ang pangalan ng channel nitong Setyembre 9, 2021 upang dalhin ang pangalan ng organisasyon at siyang maging puntahan ng mga tao sa YouTube sa mga bagay at gawaing may kinalaman sa MCGI.

Ang Dating Daan Channel noon, MCGI Channel ngayon

Tampok pa rin sa channel ang mga Q&A video kung saan maririnig ang sagot ni Brother Eli Soriano sa iba’t ibang tanong ng mga tao patungkol sa relihiyon, Biblia, at iba pang tema. Bukod sa 24/7 livestream ng recorded videos, napapanood din ang livestreams ng Bible Exposition, Bible Study, at Mass Indoctrination.

Sa live broadcast ng Rise and Shine nitong Setyembre 20, personal na nag-anyaya si Kapatid na Daniel Razon sa mga netizens na bisitahin ang MCGI Channel.

“Amin pong paanyaya, bisitahin nyo po ang MCGI Channel. Nandiyan po ang iba’t ibang activities na ginagawa ng MCGI. Kasama na rin po ang iba’t ibang mga bagay na may kinalaman sa ating mga pang-araw araw na buhay, paano natin ide-deal ito sa pamamagitan po ng mga katwiran at salita ng Dios.”

Kabilang din sa mapapanood sa MCGI Channel ay ang mga pagkakawanggawa ng grupo sa pamamagitan ng MCGI Cares.

“Nandiyan na rin po ang ating mga pupuwedeng maging ayuda sa ating mga kapwa-tao, at ‘yung atin pong mga services na ipinagkakaloob. Kasama na po ang ating ginagawa na virtual clinic, at iba-iba pa pong puwede po ninyong mabisita at makita,” pagbibigay detalye ni Kapatid na Daniel.

Makikita rin sa channel ang mga episode ng Kristiano Drama o mga short films na nagtatampok ng mga aral sa Biblia, mga kuwento ng pananampalataya sa Story of my Faith, at mga direct upload ng iba’t ibang channel na kaugnay sa MCGI gaya ng Brother Eli Channel at The Old Path.

Ang orihinal na Ang Dating Daan YouTube channel ay pinasimulan noong Disyembre 2005 sa pagnanasa ni Kapatid na Eli Soriano at Kapatid na Daniel Razon na makapangaral sa lalong maraming tao gamit ang internet. Ang nasabing channel ang naging tahanan ng mga panooring biblikal.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 430,000 ang subscribers ng MCGI Channel at may mahigit 40 milyong views. Kadalasang nasa pinamakamataas ang views ng channel sa mga live broadcast ng Bible Study, Bible Exposition, at Mass Indoctrination.

Isa sa mga direct upload ng Ayon sa Biblia sa MCGI Channel — ang kwento ng pananampalataya ng miyembro na dati ay hindi sang-ayon sa paraan ng pagsasalita ni Brother Eli Soriano subalit ngayon ay aktibong kaanib ng Iglesia ng Dios.

Para sa marami pang makabuluhang content, bisitahin ang MCGI Channel at huwag kalimutang mag-Like, Share, at Subscribe.

Isinulat ni Tin Llauderes

Mga Balita

MGA IBA PANG ARTIKULO