Si Bro. Daniel S. Razon, na kilala rin bilang “Kuya Daniel” at “Mr. Public Service,” ang ikalawang Lingkod Pangkalahatan ng Members Church of God International o MCGI at isa sa mga host ng programang Ang Dating Daan.
Bago pa man maging isang tanyag na DJ, radio announcer, TV host at broadcast-journalist, kasa-kasama na si Bro. Daniel ni Bro. Eli Soriano at ni Sis. Luz Cruz sa pagbo-brodkast ng Ang Dating Daan sa telebisyon noong 1983. Sa kaniyang murang edad, siya ang tumayong unang direktor, videographer, at video editor ng programa. Samantala, si Sis. Luz naman ang make-up artist at researcher at si Bro. Eli naman ang host ng programa.
Mula noon, sa awa’t tulong ng Dios, nakapagtapos ng kursong Mass Communications si Bro. Daniel upang lalong makatulong sa gawaing pagpapalaganap ng salita ng Dios sa pamamagitan ng mass media. Paglipas ng mga taon at sa patuloy na pagiging tanyag ng Ang Dating Daan, nakapagturo si Bro. Daniel sa mga kapatid na nagnanais na makatulong sa pagtataguyod ng produksyon ng programa.
Si Bro. Daniel, sa kaniyang pagiging likas na malikhain, ay nakapag-sulong ng iba’t ibang mga gawain na ukol sa pagpapalaganap ng salita ng Dios. Isa dito ay ang Worldwide Bible Exposition, kung saan maaaring magtanong ang mga bisita mula sa iba’t ibang panig ng mundo ng kanilang katanungang pang-kaluluwa’t espirituwal.
Si Bro. Daniel din ang nagpasimula ng pagtataguyod ng mga ministeryo sa loob ng Iglesia tulad ng Music Ministry, Teatro Kristiano, Bible Readers (BRead) Society International, Guest Coordinators o GCOS, at Kapisanan ng mga Kabataan Tungo sa Kasakdalan o KKTK.
Kaagapay si Bro. Eli Soriano, isinulong din ni Bro. Daniel ang mga gawain ukol sa pagpapatibay ng pananampalataya ng mga kapatid sa MCGI, katulad ng International Youth Convention, Couples’ Conventions, Music Ministry and Theatre Summits, at ang A Song Of Praise (ASOP) Music Festival.
Bukod sa mga kasalukuyang brodkast ng Ang Dating Daan, regular ring masusubaybayan si Bro. Daniel na isang beteranong brodkaster sa iba pang mga programang ukol sa serbisyo publiko at sa current affairs show niyang “Get It Straight With Daniel Razon,” kung saan nagsasagawa siya ng mga panayam patungkol sa mga mahahalagang usapin sa bansa.
Sa awa’t tulong ng Dios, patuloy na ipinaglilingkod ni Bro. Daniel ang kaniyang lakas, kakayahan, at talento sa paglingap sa mga kapatid sa MCGI at sa pagpapalaganap ng tunay na aral ng Dios.