Si Bro. Eliseo F. Soriano, o mas kilala bilang Bro. Eli, ay ang Lingkod Pangkalahatan ng Members Church of God International o MCGI. Noon pa man ay aktibo na si Bro. Eli sa pangangaral ng salita ng Dios at sa mga diskusyong pang-relihiyon — bago pa man suma-himpapawid sa radyo, telebisyon, at internet bilang isa sa mga personalidad na bumubuo ng programang Ang Dating Daan.
Sa kaniyang murang edad na disisiyete, napatunayan ni Bro. Eli na siya’y mapagkakatiwalaan sa buong-puso at matapang na pagpahayag ng salita ng Dios sa kaniyang pag-destino sa iba’t ibang mga lokal, sa kaniyang pakikipag-debate sa mga pastor ng iba’t ibang pastor relihiyon, at sa kaniyang pagdayo sa iba’t ibang bayan ng Pampanga upang magsagawa ng mga pulong o Bible Study.
Bagama’t nagbunga ang mga Bible Study ng pagkakatayo ng mga bagong lokal sa mga bayan na kaniyang napangaralan, napagtanto ng mangangaral na aabutin siya ng higit na maraming taon bago maabot ang buong Pilipinas. Makalipas ang labingapat na taong gabi-gabing pangangaral niya sa bayan-bayan, napagpasiyahan ni Bro. Eli na mag-brodkast sa radyo. Dekada 80 ng ipanganak ang programang “Ang Dating Daan” sa DWWA 1206 kHz. Mula sa DWWA, ang programang ito ay naibrodkast din sa DWAR, DZME, DZMD, DWAD, DZXQ at sa iba’t ibang lokal na istasyon ng radyo.
Dahil sa kaniyang pamamaraan ng pagpapaliwanag at kaalaman sa Banal na Kasulatan, si Bro. Eli ay inimbitahang maging bahagi rin ng isa pang palatuntunang pang-relihiyon sa radyo, ang “Dis is Manolo and His GENIUS Family.” Dito’y kasama niyang tumatalakay ng mga paksa ukol sa buhay at kaligtasan ang ilan sa mga lider ng iba pang mga relihiyon. Dito’y makailang-ulit siyang tumanggap ng parangal na “Most Outstanding Gospel Minister” — at makalipas ang ilang panahon, si Bro. Eli Soriano na lang ang naging tanging resource person ng naturang programa.
Taong 1983 ng dalhin ni Bro. Eli ang pangangaral ng salita ng Dios sa telebisyon. Sa IBC 13 unang sumahimpapawid ang programang “Ang Dating Daan,” kung saan nangaral si Bro. Eli at sumagot ng mga katanungang pang-espirituwal ng mga manonood. Nalipat ang programa sa iba’t ibang television channels, tulad ng RJTV 29, SBN 21, at sa UNTV 37, na tahanan ng programa hanggang sa kasalukuyan. Ang programang “Ang Dating Daan” ay tinaguriang “the longest-running religious program” sa buong bansa, sa tulong at awa ng Dios.
Sa pagnanais na maibahagi ang salita ng Dios sa mas maraming mga tao at sa iba’t ibang lahi, nagpasimulang mangaral si Bro. Eli sa internet. Noong taong 2000, ang website na www.AngDatingDaan.org ay inilunsad, at taong 2002 naman nang ilunsan ang webtv.angdatingdaan.net, kung saan nai-brodkast ang mga Q&A videos ni Bro. Eli na maaaring mapanood ng mga tao saan man sila naroroon, sa anomang oras at araw. Taong 2007 nang magpasimulang mag-blog si Bro. Eli sa Esoriano.wordpress.com, kung saan tinalakay niya ang iba’t ibang paksa ukol sa buhay at pananampalataya.
Sa tulong at awa ng Dios at sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, mas maraming naaabot ang pangangaral ni Bro. Eli Soriano sa panahong kasalukuyan. Ang programang “Ang Dating Daan” at “Itanong Mo Kay Soriano” ay itina-translate na sa iba’t ibang dayalekto at wika katulad ng Espanyol (El Camino Antiguo) at Portuges (O Camiho Antigo). Sa pamamagitan naman ng social media tulad ng Facebook Live at YouTube Live, patuloy na nakapaglilingkod si Bro. Eli sa kaniyang mga manonood sa iba’t ibang dako ng mundo. Regular na ume-ere ang Worldwide Bible Study, Worldwide Bible Exposition, Mass Indoctrination sessions, at mga regular na pagkakatipon ng MCGI sa pamamagitan ng satellite, livestream, at opisyal na social media platforms ng Iglesia. Kamakailan, pinasimulan na rin ni Bro. Eli ang pangangaral sa pamamagitan ng podcast series na pinamagatang “The Unheard Truth from the Bible.”
Sa loob ng mahigit limang dekada, sa tulong at awa ng Dios, nagpapatuloy si Bro. Eli sa pagganap ng kaniyang tungkuling sinumpaan sa Dios — ang walang-tigil at buong-pusong pangangaral ng salita ng Dios sa lahat ng tao.