Kasaysayan

Isa sa may pinakamalawak na broadcast coverage sa buong mundo pagdating sa programang pangrelihiyon, ang Ang Dating Daan na naririnig bilang The Old Path sa Ingles, O Caminho Antigo sa Portuges, El Camino Antiguo sa Espanyol, at Il Sentiero Antico sa Italyano ay naririnig sa halos lahat ng kontinente ngayon. Sa masidhing pagnanais ni Bro. Eli Soriano na maabot ang bawat tahanan sa bawat sulok ng mundo, ang pangangaral ng salita ng Dios na nag-umpisa sa gabi-gabing pagbabayan-bayan ay nakarating ng radyo, telebisyon, satellite, at Internet. Hango sa talatang Jeremias 6:16, layon ng programang Ang Dating Daan na maipaglingkod sa mga tao ang mga dalisay na aral ng Dios at makapagligtas ng mga kaluluwa mula sa iba’t ibang maling pananampalataya.


1980

Simula ng Malawakang Brodkast sa Radyo

Sa unang pagkakataon ay narinig ang programang Ang Dating Daan sa istasyon ng radyo na DWWA 1206 kHz, kung saan ume-ere ito nang 30 minuto bawat brodkast. Dahil sa kakaiba at diretsahang paraan ng pangangaral ni Bro. Eli, tumatak sa mga tagapakinig ang programa at naging popular kaysa alin mang programang pangrelihiyon sa buong bansa. Naging tatak ng programa ang ‘unscripted Q&A’ format nito kung saan live na sinasagot ni Bro. Eli ang mga katanungan ng tao patungkol sa relihiyon at espirituwalidad. Kaiba sa ibang programang panrelihiyon, ang mga tanong sa programa ay hindi sinasala at impromptung sinasagot ni Bro. Eli Soriano ng mga kasagutang hango sa mga talata ng Biblia

Disyember 1980

Bukod sa Ang Dating Daan, naging parte ng pangangaral ni Bro. Eli sa radyo ang pagiging resource speaker ng programang “Dis is Manolo and his Genius Family” ni Don Manolo Favis. Kasama ring resource speaker sa programa ang mga pastor ng iba’t ibang relihiyon, at dito lalo pang napatunayan ng mga tao ang pagiging iba ni Bro. Eli bilang mangangaral dahil sa mga sagot at paliwanag niya sa mga talakayan at tanong ng tao na karaniwang iba at purong nakabase sa Biblia. Naging paborito ng mga tagapakinig si Bro. Eli at kalauna’y siya na lamang ang natirang resource speaker ng programa. Sa buong kasaysayan ng programa, si Bro. Eli lamang ang bukod tanging mangangaral na pinagkalooban ni Manolo Favis ng prestihiyosong “Most Outstanding Religious Preacher” award ng ilang magkasunod na mga taon.

1983

Pangangaral sa Telebisyon

Sa IBC-13 unang napanood ng buong bansa ang Ang Dating Daan nang magsimula ang brodkast nito sa telebisyon. Bagama’t maikli lamang ang programa, lalo itong naging popular sa sambayangang Pilipino lalo nang pasimulan ni Bro. Eli ang segment na ‘Itanong Mo Kay Soriano, Biblia ang Sasagot.’ Kung paanong nagkaroon ng maraming mga tagasuporta ang Ang Dating Daan ay naging mainit din ito sa mata ng mga kaibayong relihiyon na gustong mapatigil ang programa. Sa tulong at awa ng Dios at sa pagsisikap ni Bro. Eli na makapagpatuloy ang programa, inilipat ito ng iba’t ibang istasyon ng telebisyon. Mula IBC-13, napanood rin ang programa sa RJTV 29, PTV 4, SBN 21, at ngayon sa UNTV 37.

1994

Kapanganakan ng Bible Exposition

Sa isang simpleng pagkakatipong sosyal nag-umpisa ang ngayo’y kilalang Ang Dating Daan Bible Exposition. Taong 1994 nang naisipan ni Bro. Daniel Razon na imbitahan ang ilang mga kaibigan sa isang simpleng salu-salo kung saan maaari rin silang makapagtanong kay Bro. Eli ng kanilang mga tanong espirituwal. Naging matagumpay ang pagkakatipon at naging daan upang maidaos ang kauna-unahang Bible Exposition sa Roosevelt, Manila na napanood sa maraming probinsiya sa bansa sa pamamagitan ng programang Ang Dating Daan. Naging regular na segment ng programa ang Bible Exposition na karaniwang idinaraos sa malalaking bulwagan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, at ngayon, sa iba’t ibang bansa.

1999

Paglunsad ng AngDatingDaan.org

Bago pa man sumikat ang World Wide Web, nakita na ni Bro. Eli at Bro. Daniel ang potensyal nito na maabot ang mas marami pang tao sa Pilipinas at ibang bansa, kaya inilunsad ang www.angdatingdaan.org. Nagsilbing online resource ang website ng programa para sa mga tagapanood na may access sa Internet.

2000

Pagsisimula ng 24-Oras na Webcast

Hindi pa man sumisikat ang YouTube at iba pang web streaming platforms, nauna nang pasimulan ng Ang Dating Daan ang webcast sa pamamagitan ng webtv.angdatingdaan.net, kung saan 24-oras araw-araw napapanood ang mga pangangaral ni Bro. Eli. Sa taon ding ito napanood sa World Wide Web ang live video streaming ng programa.

2002

Bible Exposition sa Labas ng Pilipinas

Hulyo 13, 2002

Unang narating ang bansang Singapore nang lumabas ng Pilipinas ang pangangaral ni Bro. Eli. Sa pamamagitan ng live video streaming, matagumpay na naisagawa ang isang Bible Exposition na dinaluhan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Singapore. Ito ang naging umpisa na maitatag ang Ang Dating Daan Coordinating Centers sa iba’t ibang bansa sa Asya at Europa.

Nobyembre 29, 2002

Hindi lamang sa radyo at telebisyon naging popular ang Ang Dating Daan. Naging tanyag din ito sa online at nagwaging “People’s Choice” sa Organizations Category, at nanalong “Yehey! Most Popular Site of the Year” laban sa halos 100 websites sa 5th Philippine Web Awards.

2003

Most Popular Website of the Year

Sa ikalawang pagkakataon, itinanghal ang AngDatingDaan.org bilang Most Popular Website of the Year sa 2003 Philippine Web Awards.

2004

Umpisa ng Satellite Brodkast at Paglunsad ng The Old Path

Oktubre 7, 2004 nang umpisahan ang satellite brodkast ng Ang Dating Daan sa pamamagitan ng Ingles na bersyon ng programa, ang The Old Path. Sumahimpapawid ito sa Amerika at Canada sa pamamagitan ng satellite provider na Globecast. Sa paglunsad ng The Old Path sa Hilagang Amerika, nabuksan at mas napaigting ang pangangaral ng mga salita ng Dios sa kanlurang bahagi ng mundo. 

2006

Unang Bible Exposition sa Amerika at Pagtanghal Sa The Old Path Bilang Most Informative Religious Program of the Year

Enero 7, 2006

Dumami ang naging tagapakinig ng The Old Path at mas maraming tao ang naging interesadong makapagtanong kay Bro. Eli. Ginanap ang kauna-unahang Live Bible Exposition sa Hilagang Amerika sa Los Angeles, California.

Nobyembre 2006

Dalawang taon pa lamang matapos ang unang brodkast ng programa sa Amerika, itinanghal na ito bilang Most Informative Religious Program of the Year ng Gawad America Awards.

Disyembre 7, 2006

Patuloy ang pag-ani ng mga parangal ng AngDatingDaan.org, na sa ika-9 na taon ng pagbibigay parangal ng Philippine Web Awards sa mga natatanging Filipino website, muli itong nakatanggap ng People’s Choice Award at itinanghal bilang Most Popular Website of the Year. Itinanghal ring People’s Choice sa kategorya ng Celebrities and Personalities ang DanielRazon.com, ang website ni Bro. Daniel Razon na isa sa mga host ng Ang Dating Daan.

2008

Ang Dating Daan sa Brazil, Latin America, Asia-Oceania, at Africa

Bagamat hindi marunong magsalita ng Portuges, sa tulong ng isang interpreter ay pinasimulan ni Bro. Eli ang Ang Dating Daan bilang O Caminho Antigo sa Brazil. Umeere ito ng 30 minuto kada brodkast. Hindi naglaon, napapakinggan na rin ang programa bilang El Camino Antiguo sa ilang lugar sa Latin Amerika. Sa taon ding ito ipinakilala ang The Old Path sa kontinente ng Oceania. Inumpisahan sa Papua New Guinea at naging sunod-sunod ang mga Bible Exposition sa iba pang dako ng kontinente. Naging matagumpay rin ang unang serye ng Bible Study sa Africa na nagbunga ng pagkatatag ng lokal ng MCGI sa Ghana, West Africa.

2009

24/7 Satellite Brodkast sa TV Verdade

Disyembre 2009 ng makuha ng Ang Dating Daan ang 24/7 satellite brodkast ng TV Verdade. Isinasahimpapawid ng istasyon ang The Old Path at O Caminho Antigo sa buong Hilaga at Timog Amerika.

2010

Pangangaral sa India at Uruguay at Pag-abot sa mga Tagong Lugar ng Pilipinas

Marso 10, 2010

Sinikap maabot ng Ang Dating Daan ang mga lugar sa Pilipinas na baybayin at limitadong naaabot ng cable services at inilunsad ang 24/7 TOP Channel na isinahimpapawid sa pamamagitan ng Dream Satellite Television. Ibino-brodkast nang live ang programa gamit ang Mabuhay Satellite Aguila II at sa paggamit ng satellite TV, naaabot pati ang mga malalayo at liblib na rehiyon sa bansa.

Agosto 2010

Unang narinig ang programa sa bansang Uruguay sa La Tele Channel 12 kung saan napapanood ito ng halos isang oras mula Lunes hanggang Linggo. Inumpisahan na ring ipangaral ang Ang Dating Daan bilang The Old Path sa India sa pamamagitan ng SONY SABTV na nagbo-brodkast ng programa mula 5:30-6:30 ng umaga araw-araw.

2011

12-Oras na Worldwide Marathon Bible Exposition at Pangangaral sa Argentina, Bolivia, Portugal, Europa at Middle East

Enero 17, 2011

Lumawak pa ang pangangaral sa Latin Amerika at narating na rin ng programa ang Argentina. Napakinggan ang El Camino Antiguo sa pamamagitan ng free TV channel na América.

Marso 2011

Unang narinig ng mga Bolivianos ang pangangaral ni Bro. Eli nang isinahimpapawid ng Universal de Television (UNITEL) ang El Camino Antiguo sa Bolivia dalawang oras bawat araw. Sa unang pagkakataon, narinig rin ang brodkast ng O Caminho Antigo sa Portugal sa pamamagitan ng Channel Kurios TV.

Setyembre 15, 2011

Upang marating ang mga taga-Europa, Africa, at Middle East, pinasimulan ang satellite broadcast ng The Old Path sa pamamagitan ng Hotbird satellite. Narinig sa iba’t ibang bansa ang programa na sumasahimpapawid ng 24 oras.

Disyembre 18, 2011

Ginanap ang kauna-unahang Ang Dating Daan Worldwide Marathon Bible Exposition na tumagal nang 12 oras, sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano at Bro. Daniel Razon. Iba’t ibang katanungan patungkol sa relihiyon, pananampalataya, kaligtasan, Biblia at maging pagkalusugan mula sa mga bisita sa North at South America, Asya, at iba pang kontinente ang nabigyang kasagutan.

2012

El Camino Antiguo sa Honduras at La Verdad TV

Buwan ng Mayo ng unang mai-brodkast ang El Camino Antiguo, ang bersyon ng Ang Dating Daan sa Espanyol, sa Honduras. Umeere ito sa Teleceiba Canal 7 dalawang beses sa isang araw mula Lunes hanggang Biyernes, at isang beses tuwing Sabado at Linggo. Buwan naman ng Hulyo ng magpasimula ng brodkast ang La Verdad TV kung saan napapanood ang mga programang pangrelihiyon sa wikang Espanyol kabilang na ang El Camino Antiguo.

2013

Pagbubukas ng Programa sa Ghana, Africa

Isang kontrata sa pagitan ng Ang Dating Daan at Crystal TV network ang nagbigay-daan upang mabuksan ang The Old Path sa Ghana, Africa. Napapakinggan ng 30 minuto ang programa buong linggo sa Crystal TV Plus channel 47.

2014

El Camino Antiguo sa El Salvador at Guatemala

Pebrero 1 nang unang mapanood ang El Camino Antiguo sa telebisyon sa Guatemala kung saan napapanood ang programa ng isang oras kada araw. Sa parehong taon, nag-umpisa rin ang brodkast ng programa sa El Salvador.

2016

Bible Exposition sa Facebook Live

Abril 2016 nang ilunsad ng Facebook ang video streaming feature nito na Facebook Live, at nakita ni Bro. Eli at Bro. Daniel ang potensyal nito na maabot ang mas marami pang tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Ika-10 ng Hunyo, napanood ang unang brodcast ng Bible Exposition sa Facebook Live.

2017

Kapanganakan ng The Truth Channel

Upang magbigay ng alternatibong programa sa larangan ng digital television, inilunsad ng MCGI ang The Truth Channel kung saan napapanood 24 oras ang isang segment ng Ang Dating Daan, ang ‘Itanong Mo Kay Soriano, Biblia ang Sasagot,’ at iba pang mga programang ginawa ng MCGI na tumatalakay ng mga impormasyon patungkol sa relihiyon at mga katotohanan sa Biblia.

2019

Bible Exposition at Bible Study sa Iba’t Ibang Wika

Sa tulong ng Internet, nakapagsagawa ang Ang Dating Daan ng malawakang mga Bible Study at Bible Exposition na live na naisasalin at napapakinggan sa iba’t ibang wika gaya ng Korean, Tok Pisin, Italyano, Pranses, Aleman, Bahasa Melayu, Chinese, at iba pa.

2020

Mas Pinalawak na Pangangaral sa Internet at Social Media

Sa pagbabagong dala ng pandemyang Covid-19 sa paraan ng pamumuhay ng tao sa buong mundo, mas naging importante kailan man ang papel ng Internet sa mga pangangaral ni Bro. Eli Soriano at ng Ang Dating Daan. Mas pinaigting at pinalawak pa ang pangangaral ng mga salita ng Dios gamit ang live streaming sa mga social media, mga blog, at podcast.

Sabayang Brodkast sa Social Media

Sa unang bahagi ng taong 2020, naging halos araw-araw ang ginagawang live broadcast ni Bro. Eli ng Ang Dating Daan Bible Exposition at Bible Study. Napapakinggan ang livestream ng programa sa mga official account nito sa Facebook, YouTube, Twitter, at Instagram. Sa taon ding ito unang isinapubliko ang Ang Dating Daan Mass Indoctrination — ang serye ng pag-aaral ng mga doktrina ng Panginoong Hesukristo na kung tatanggapin ng nakikinig at magpapabautismo ay magiging kaanib siya ng MCGI.

Mga Blog at Babasahin

Taong 2007 nag-umpisa nang mag-blog si Bro. Eli gamit ang esoriano.wordpress.com upang maipangaral ang mga salita ng Dios sa pamamagitan ng mga babasahin. Mas pinarami at iba’t ibang paksang pampananampalataya, espirituwal, siyensiya, kasaysayan, at iba pa ang linggu-linggo ay inilalathala sa bago nitong blog site, ang Controversy Extraordinary.