Ano ang batas ng Biblia sa paghihiwalay at muling pag-aasawa?

Tanong:

Ano ang batas ng Biblia sa paghihiwalay at muling pag-aasawa?

Bro. Eli Soriano:

Alam mo, kapatid, kahit na ang pagkakasundo ay pangtao lang, huwag natin muna isama ang Dios, nagkasundo kayo, kayo’y magiging mag-asawa, nagligawan kayo, nangako kayo sa isa’t isa na kayo ang magsasama, matibay na iyon. Kahit hindi pa ikinakasal ng tao, kahit hindi pa ikinakasal sa relihiyon ng mga tao. Basahin natin ang Galacia 3:15 –

Bro. Daniel Razon:

Galacia 3:15

“Mga kapatid, nagsasalita ako ayon sa kaugalian ng mga tao: Bagama’t ang pakikipagtipan ay gawa lamang ng tao, gayon ma’y pagka pinagtibay, sinoman ay hindi makapagpapawalang kabuluhan, o makapagdaragdag man.”

Bro. Eli Soriano:

Pagka ang pakikipagtipan, kahit gawa lang ito ng tao, hindi kasama ang Dios, it is between a man and another man, pagka napagtibay na, ratified na, hindi na puwedeng baguhin at hindi na puwedeng pawalang kabuluhan. Para lang iyan yung tipan sa pag-uutangan, nag-utangan kayo, nagpirmahan kayo, kinuha mo na yung pera ng kapuwa, nangako kang patutubuan mo halimbawa ng ganung porsiyento, tipanan na iyon. ‘Pag nakapirma ka’t lumabag ka roon, lalabas may kasalanan ka. Kasi napagtibay na, pinirmahan n’yo na eh. Ganoon ang tipanan ng lalaki’t babae. Pagka tipanan ng tao na, nangyari na, kahit hindi kasama ang Dios, bilang tao, dapat inirerespeto natin ang kapuwa tao. Kaya pagka nakipagtipan ka na, binding na iyon, may kapangyarihan na iyon, may bisa na iyon.

Tingnan mo si Maria at saka si Jose. Hindi pa sila kinakasal, pero kinikilala na ng Dios na mag-asawa sila. Basahin natin ang Mateo 1:18.

Bro. Daniel Razon:

Mateo 1:18

“Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”

Bro. Eli Soriano:

Ang salita rito, “Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose,” Ang salita ritong “…magaasawa kay Jose,” hindi pa sila talagang mag-asawa, magnobyo’t magnobya lang sila. Kumbaga, engaged. Sa ibang Biblia, doon sa Griyego, sa Kastila, sa Portuguese, sa Ingles, ang sinasabi roon, magnobyo’t magnobya pa lang sila. Sa English, ang sabi ganito –

Bro. Daniel Razon:

Matthew 1:18

“Now the birth of Jesus Christ was on this wise: When as his mother Mary was espoused to Joseph,” “

Bro. Eli Soriano:

Ang espouse, nanggaling sa salitang Griego na itin-transfer sa Ingles, espouse, tin-transfer sa Tagalog, mag-a-asawa. Ang nakalagay sa salitang Griyego ay:

G3423

μνηστεύω

mnēsteuō

mnace-tyoo'-o

From a derivative of G3415; to give a souvenir (engagement present), that is, betroth: - espouse.

Total KJV occurrences: 3

Ang ibig sabihin - to give a souvenir (engagement present), parang engaged lang sila. Parang ang mga mag-nobyo sa atin nga, “Engaged na kami. Mayroon na kaming mutual understanding.” Iyon ang talagang kahulugan ng salitang Griyego. Kaya ang sabi sa Tagalog, “Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose,” – engaged – “…bago sila magsama…” Di, hindi pa nga sila mag-asawa, hindi pa nga sila nagsasama. Pero bago sila magsama, nasumpungan ni Jose, buntis si Maria. Ano ngayon ang binalak ni Jose? Ituloy natin ang Talatang 19 –

Bro. Daniel Razon:

Mateo 1:19

“At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.”

Mateo 1:20

“Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.”

Bro. Eli Soriano:

Kita ninyo? Hindi pa nga sila nagsasama noon, nagbuntis si Maria, engaged pa lang sila. Pero ang tawag ng anghel kay Maria, sabi ng anghel kay Jose, “…huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa:” Asawa na ang tawag pero magnobyo’t magnobya pa lang sila. Hindi pa nga sila nagsasama. 

Ibig sabihin, ang kanilang tipanan, matibay na iyon, kinikilala na ng Dios iyon. Iyon ang sinasabi ni Pablo - “Bagama’t ang pakikipagtipan ay gawa lamang ng tao, gayon ma’y pagka pinagtibay, sinoman ay hindi makapagpapawalang kabuluhan, o makapagdaragdag man.” Iyon ay pinal na. 

Kaya ang tinatanong mo, kapatid, na halimbawa isang lalake, isang babae, kasal sa asawa, tapos ay naghiwalay, nakisama sa isang babae’t lalake, nangangalunya sila noon kasi binding na ang kanilang pagsasama. Kahit nga hindi pa kayo ikinasal, kung kayo nga’y nagsama na bilang mag-asawa, nagkaanak na kayo, kahit na hindi pa kayo ikasal kahit saan, kinikilala na ng Dios na kayo ang mag-asawa kasi nagkaanak na nga kayo eh. Ang iba dinadahilan, “Hindi naman kami kasal.” Bakit si Maria’t si Jose hindi pa kasal, pero tinatawag ng mag-asawa sa Biblia? 

Ngayon, ang pag-asa naman diyan ganito, halimbawa nangyari ang paghihiwalay, tapos nangyari ang pagkuha ng ibang asawa nasa labas ka ng katuwiran, wala ka sa ilalim ng kautusan ni Cristo, nasa maling pananampalataya ka, hindi mo alam lahat ng aral, napapatawad naman iyan sa bautismo. Gaya ng nangyari kay Pablo. Si Pablo noong araw, may mga ginagawang mali pero noong magbautismo siya, naanib siya sa Iglesia ng Dios, napatawad siya ng Dios. Sa Timoteo, ang sabi ay ganito -

Bro. Daniel Razon:

I Timoteo 1:13

“Bagaman nang una ako’y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma’y kinahabagan ako, sapagka’t yao’y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya;”

Bro. Eli Soriano:

Kinahabagan siya. Bagaman noong una mabibigat ang kasalanan niya, naging mamumusong pa siya, mang-uusig, mang-aalipusta, “…kinahabagan ako, sapagka’t yao’y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya;” Wala pa siyang pananampalataya noon, hindi niya alam ang batas ni Cristo. Kaya halimbawa, nakapag-asawa ka sa labas ng Iglesia ng Dios, nag-asawa ka ng apat o sampu, hindi mo alam ang batas, pag naanib ka, pinapatawad naman ng Dios iyon kasi ginawa mo iyon sa kamangmangan. Hindi mo alam ang batas. Wala ka pa sa ilalim ng batas. Sa Roma 3:19, ganito ang sabi - 

Bro. Daniel Razon:

Roma 3:19

“Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; “

Bro. Eli Soriano:

Ang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa nasa ilalim ng kautusan. Kung wala ka naman sa ilalim ng kautusan, may pag-asa kang--  pag ikaw ay nagpasakop na sa Dios, sa tunay na samahang sa Dios, may pag-asa ka namang mapatawad.