Tanong:
Bakit kailangan pang mamatay ang isang tao?
Bro. Eli Soriano:
Dahil siguro maganda konsiyensiya mo, hindi ba? Na mas maganda nga mabuhay ka ng 500 taon, 1000 taon kang pulis, marami-raming magnanakaw ang mahuhuli mo, hindi ba? Pero ang tanong ko naman sa iyo, kapatid, lahat ba ng pulis mabuting pulis? Kung halimbawa naman ang pulis naman ay talagang kumbaga duhapang at saka ang tawag ay timawa, bubuhayin mo naman ng 1000 taon, napakarami namang maloloko ng pulis na iyon. Hindi ba ganoon, kapatid?.Magiging mapanganib din. Kaya ang sabi sa Biblia sa Hebreo 9:27, ganito -
Sis. Luz Cruz:
Hebreo9:27
“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;”
Bro. Eli Soriano:
May paghuhukom pala. Bago ka mahukuman mamamatay ka muna, itinakda ng Dios iyon. It is an ordinance of God. God ordained that man-- appointed by God to man, once to die and after this the judgment. Ano ang ibig sabihin, kapatid? Kaya ka nga mamamatay kasi mayroong darating na judgment, after the judgment saka ka na nga mabubuhay ng habang panahon. Mayroon ng eternal life.
Ganito ang ibig kong sabihin, kapatid. Ang tao ngayon nagkakasala. And because of sin, nakapasok sa tao ang iba-ibang mga sakit, iba-ibang problema, mga depekto sa buhay. Kung ikaw, kapatid, ay bulag, gugustuhin mo kayang mabuhay ng isang libong taon na bulag? O kaya kung may rayuma ka, baka ikaw kung may rayuma, baka isang buwan lang ayaw mo nang mabuhay pagka masakit na masakit na ang rayuma mo. Dahil masakit talaga ang rayuma. Sino naman kaya ang may gustong mabuhay ng 1000 taong may rayuma?
Ang ibig kong sabihin ay ganito: kaya pumasok ang kamatayan sa tao, nagkaroon kasi ng depekto ang kaniyang pagkatao. Ang sabi ng Dios kay Adan, “Huwag kang kakain ng bunga ng iyon na ipinagbawal Ko sa iyo. Pag kumain ka mamamatay ka,” sabi ng Dios. Bakit dumarating ang kamatayan sa tao? Dahil sa paglabag niya sa Dios. Ang paglabag niya sa Dios, iyon ngayon ang naging dahil kaya siya nagkaroon ng mga kasalanan, mga sakit, mga failures, mga pagkabigo, sarisaring problema. Ngayon, kung sa gitna ng mga problemang ito mabubuhay ka ng 1000 taon, naku palagay ko, kapatid, hindi mo magugustuhan. Pero kung mamamatay ka muna para pagpahingahin ka ng Dios tapos pagkatapos noon maghuhukom, pagkatapos ng paghuhukom nakita kang tama, nakita kang matapat, bibigyan ka ngayon ng buhay na walang hanggan. Bakit? Nahukuman ka na. Naabsuwelto ka na, hindi ka na gagawa ng masama. Naabsuwelto ka na. Ibig sabihin, mabuhay ka man na walang hanggan, may guarantee na na hindi ka na gagawa ng masama. Pero kung halimbawa pulis ka, mabait ka ngayon, naging sarhento ka. Medyo tumaas ang ranggo mo, naging koronel ka, “Aba, mas mataas ang ranggo ko ngayon.” Naging general, ka lahat ng kapangyarihan nasa iyo. Is there a probability na maging corrupt ka, kapatid? Is there a probability na maging corrupt ka? Tingnan mo. Kung hindi mamamatay, naku masama ang mangyayari sa atin. Halimbawa ang isang hari hindi na mamamatay, natiyempo ang hari na iyon ay masamang hari, naku po, katakot-takot na pagdurusa ang gagawin sa bayan. Pakinggan mo sa Kawikaan 29:2 -
Sis. Luz Cruz:
Kawikaan 29:2
“Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: Nguni’t pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.”
Bro. Eli Soriano:
Naku, pagka masama pala ang puno ang bayan magbubuntong-hininga, magsa-suffer. Ngayon masabi mo sa akin, bakit hindi na lang pinabayaan ng Dios na ang tao ay mabuhay ng mahaba? Bakit kailangan pang mamatay? Kasi balancing factor iyon, kapatid. Ganito kasi, kaya ko sinasabing balancing factor, para huwag masyadong sumama ang masamang masama na, para huwag masyadong sumama at walang maidamay na marami. At kung iyon namang mabuti ay namamatay, alam mo kung bakit namamatay, kapatid? Isaias 57:1, pakibasa, Kapatid na Luz –
Sis. Luz Cruz:
Isaias 57:1
“Ang matuwid na namamatay, at walang taong nagdadamdam; at mga taong mahabagin ay pumapanaw, walang gumugunita na ang matuwid ay naalis sa kasamaan na darating.”
Bro. Eli Soriano:
Kaya pala naman pati matuwid namamatay, pati taong mabubuti namamatay, kasi may
possibility na ang matuwid ay madamay sa masasama. Kaya ang sabi ng Dios, ang matuwid namamatay para maalis siya sa kasamaang darating. Tingnan mo, kapatid, para pala maalis siya sa kasamaang darating, ang matuwid. Kaya pala ang tao kahit mabuti na, namamatay pa rin kasi para maalis siya, may dumadating na masama baka matalo na siya. Ganito kasi tingnan mo, si Solomon sa umpisa matuwid iyon, kaya nga binigyan ng Dios ng karunungan iyon, ng kayamanan. Matuwid kasi si Solomon. Alam mo ang nangyari nang tumanda na siya, kapatid? Pakinggan mo ganito ang nakasulat sa I Hari 11:4, Kapatid na Daniel –
Bro. Daniel Razon:
I Hari 11:4
Sapagka't nangyari, nang si Salomon ay matanda na, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang mga dios: at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal sa Panginoon niyang Dios, na gaya ng puso ni David na kaniyang ama.
Bro. Eli Soriano:
Maliwanag iyon. Noong matanda na si Solomon, mahina na ang kaniyang… iniligaw na siya ng kaniyang mga asawa para sumamba sa mga ibang dios, mga dios-diosan. Ganoon ang tao kasi pagka tumatanda na, kapatid. Humihina na ang katawan, humihina na ang isip, kailangan mo na mamatay. Bakit? Baka mailigaw ka pa. Kaya ang sabi sa Biblia, inaalis ng Dios ang matuwid sa kasamaan na darating kaya siya namamatay. Iyon pala preparasyon iyon para huwag ka ng maimpluwensyahan pa ng kasamaan. Para pagka nabuhay ka mag-uli, kasi may pagkabuhay na mag-uli para hukuman ang tao, doon mo na lang ipagpapatuloy ang buhay na walang hanggan sa isang lugar na hindi ka na puwedeng sumama, at iyon ay sa piling ng Dios. Makakapiling mo na ang Dios at si Cristo. Wala ng possibility na sumama ka. Pero ‘pag nasa lupa ka, kahit mabuti ka may possibility kang sumama. Tingnan mo si Adan, hindi ba sumama si Adan, lumabag sa Dios? Kahit mabait pa si Adan nang umpisa, lumabag siya sa Dios. Iyon ang possibility kaya nagtakda ang Dios ng kamatayan. Ang isang dahil, para ang mabuti mamatay na lang na mabuti, para mabuhay siyang walang hanggan. Kasi baka kung humaba pa ang buhay niya-- pagka ikaw ay pulis, na hindi ka na SPO1, baka pagka ikaw ay general na, kung mahal ka ng Dios, ang gagawin sa iyo ng Dios, “Pagka ikaw ay major pa lang, kukunin na kita baka mamaya sumama ka pa pagka naging general ka.” Ang tao kasi nako-corrupt. Kaya ang Dios, pagka ang isang tao ay matuwid talaga, kinukuha Niya rin. Pinapayagan Niyang mamatay kasi para iligtas Niya sa darating na corruption o sa darating na masama. Tapos pagka ikaw ay namatay na matuwid, ‘pag nabuhay ka mag-uli, doon ka mabubuhay kasama ng Dios, na hindi ka na puwedeng gumawa ng masama dahil aprubado ka na. Iyan ay ang karunungan na itinuturo ng Dios.
Ganito, kapatid, bigyan kita ng simple example. You have to blow the candle to give it a longer life. Nakita mo? Kaya pag pinapatay mo ang kandila pinahahaba mo ang buhay ng kandila.