Bakit masama ang gumawa ng mga imahen at magdasal sa harap nito? (Part 1 of 2)

Tanong:

Bakit masama ang gumawa ng mga imahen at magdasal sa harap nito? (Part 1 and 2)

Bro. Eli Soriano:

Alam mo, kapatid, hindi naman natin kailangan ang paliwanag ng kahit na sino. Ang kailangan natin, sumunod sa salita ng Dios. Ang salita ng Dios kasi ang makakapagligtas sa atin. Ang salita ng Dios, kaya dinala sa lupa ng Panginoong Jesus, para gumawa ng pagliligtas, pagtutuwid, pagtuturo ng katotohanan. Iyon ang dahil kaya may salita ang Dios sa atin, kaya nakikipag-usap ang Dios sa atin. Hindi natin kailangan ang paliwanag ng kahit pa ng kahit na sino. At ang salita ng Dios ay ganito: Pakinggan mo, sabi mo katoliko ka, siguro alam mo naman ang sasabihin ko sa iyo. Iyong pasyon, ang katoliko ang may gawa noon. Iyong Pasyong Genesis ni Padre Mariano Pilapil ng katoliko at saka iyong Pasyong Candaba ni Padre Aniceto dela Merced. Iyang mga pasyon na iyan, binabasa iyan sa Pilipinas kapag mahal na araw. Ang sabi doon sa Pasyon ay ganito, huwag kang magagalit, pasyon ng katoliko ito. Doon sa Pasyong Katoliko, ang sabi ay: 

Sukat mong maalaman,

sa sulat napapalaman

Ang sulat, iyon ang  Biblia. Kasi yung ibang sinasabi sa Pasyon, kinopya ni Padre Pilapil sa Biblia:

Sukat mong maalaman,

sa sulat napapalaman

ang Poong Diyos nga lamang,

siyang dapat na luhuran

at sambahin gabi’t araw.

Ang liwanag. “Ang Poong Diyos nga lamang”. Iyong salitang “lamang”, isa lang ang sasambahin mo. Siya mo lang luluhuran, yung Dios na Maylalang sa atin. Iyon ang sinasabi sa Biblia. Sa Awit 95:6 –

Bro. Daniel Razon:

Awit 95:6

“Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; Tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.”

Bro. Eli Soriano:

Ang luluhuran natin ay iyong Maylalang sa atin, hindi iyong ginawa natin. Mali kasi iyong sumamba ka, lumuhod ka sa ginawa ng tao. Ang dapat na luhuran natin ay iyong gumawa sa atin. Basahin natin ang Roma 1:25.

Bro. Daniel Razon:

Roma 1:25

“Sapagka’t pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila’y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa.”

Bro. Eli Soriano:

Pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, nagsisamba sila, naglingkod sila sa nilalang. Si Maria, nilalang. Ang mga anghel, nilalang. Si Pedro, nilalang. Lumuluhod sila kay Pedro, lumuluhod sila kay Maria, lumuluhod sila sa mga estatwa na ginawa ng kamay ng tao. Mali iyon. Kasinungalingan iyon. Sabi ng Biblia, kapatid, hindi mo kailangan ang paliwanag ng kahit na sino, hindi rin ako ang magpapaliwanag, iyan ang sinabi ng Biblia. Kasinungalingan na imbes na ang paglingkuran mo ay iyong Lumalang, maglingkod ka sa nilalang. Baligtad. Dapat ang paglingkuran ay iyong Lumalang, hindi iyong nilalang. Lalo na iyong ginawa ng kamay. Basahin natin ang Gawa 17:29.

Bro. Daniel Razon:

Gawa 17:29

“Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.”

Bro. Eli Soriano:

Hindi natin dapat man lang isipin na may pagka Dios sa ginto, sa pilak, sa bato, sa kahoy, sa tanso, sa plastic na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao. Bawal ng Dios iyon. Alam mo, kapatid, kahit ano pa isipin mo-- iniisip mo, “hindi naman ito sinasamba ko kundi ang Dios”. Kung hindi talaga iyan ang sinasamba mo kundi ang Dios talaga, bakit nilalagay mo pa sa harap mo iyan? Bakit kailangan mong ilagay, bawal ng ang Dios iyan? Pakinggan mo sa Deuteronomio 5:7.

Bro. Daniel Razon:

Deuteronomio 5:7-9

“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.

Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:

Huwag mong yuyukuran sila o paglilingkuran man sila: sapagka't akong Panginoon mong Dios ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng nangapopoot sa akin;”

Bro. Eli Soriano:

Napakaliwanag niyan. Anong paliwanag ang kailangan diyan? Puwede pa bang magpaliwanag diyan? Iisip ka pa ba niyan o kung ano pang guuguni-gunihin mo o iimaginine mo? Sabi ng Dios, “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan.” Iyong mga iskultura, “na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila.” Napakaliwanag na niyan. Ano pa ba ang ipapaliwanag mo diyan? Bawal nga yukuran iyan. Bawal. Kahit ano pa ang sabihin mo. “Hindi naman sila ang pinapanalanginan ko, eh.” Kung hindi nga sila, bakit inilalagay mo sa harap mo? Bakit ka lumuluhod sa kanila? Ano bang klaseng pilosopiya iyon? Ano iyon, pilosopiyang kangkong o pilosopiyang tanga? Kasi hindi naman ganoon ang pagsamba sa Dios na may haharapin ka, lalagyan ng bulaklak, lalagyan ng kandila. Wala namang ganoon. Ang pagsamba sa Dios, pagsamba sa katotohanan at sa espiritu. Kapag espiritu, walang kahit anomang materya. Pakinggan mo. Juan 4:23.

Bro. Daniel Razon:

Juan 4:23

“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.”

Juan 4:24

“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Bro. Eli Soriano:

Maliwanag iyon, kapatid. Ang salita ng Dios ay papakinggan natin. Ang sabi ng Biblia, “... dumarating ang oras, at ngayon nga,” ang sabi ng Panginoong Jesus,”...na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu:...” Walang rebulto. Espiritu iyon eh. Mayroon bang rebulto ang espiritu? 

Juan 4:24

“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Iyon ang pagsamba sa Dios, kapatid. Walang kandila, walang bulaklak, walang kung anu-anong mga paraphernalia. Pagkatapos ay luluhuran mo pa, kakaskasin pa ng panyo, hahalikan mo pa. Tapos sasabihin mo ngayon, “hindi ko sinasamba iyon.” Hindi mo sinasamba, hinahalikan mo na nga, nilalagyan mo pa ng bulaklak. Iginagalang ko lang ‘ika. Palusot lang iyon. Sige, iginagalang mo, tanggapin ko. Nanay mo, tatay mo, may litrato ba? Oo. Ginagalang mo ba ang litrato ng tatay mo’t nanay mo? Oo. Nilalagyan mo ba ng kandila? Nilalagyan mo ng bulaklak araw-araw ang litrato ng tatay mo na iginagalang mo? Nananalangin ka ba sa litrato ng tatay mo? NIluluhuran mo ba? Iba yung paggalang kaysa doon sa pagsamba. Kapag niluluhuran mo na, bawal na ng Dios. 

Sukat mong maalaman,

sa sulat napapalaman

ang Poong Diyos nga lamang,

siyang dapat na luhuran

at sambahin gabi’t araw.

Nakita mo? Ang Dios lang pala luluhuran mo, luhod ka ng luhod kay Pedro. Si Pedro noong nabubuhay pa, niluhuran ni Cornelio, pinagbawalan siya ni Pedro. Ang tunay na Pedro nasa Biblia, niluhuran, pinigilan niya. Basahin natin ang Gawa 10:25.

Bro. Daniel Razon:

Gawa 10:25

“At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya’y sinamba.”

Gawa 10:26

“Datapuwa’t itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.”

Bro. Eli Soriano:

Nakita mo? Iyon talagang Pedro. Ano ang sabi ni Pedro noong lumuhod si Cornelio sa kaniya? “Tumindig ka, tao rin ako. Huwag kang sasamba sa akin.” Mismo ngang iyong anghel-- iyong anghel, hindi tao iyon. Noong lumuhod si Juan, pinagbawalan siya noong anghel. Basahin natin ang Apocalipsis 22:8.

Bro. Daniel Razon:

Apocalipsis 22:8

“At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.”

Apocalipsis 22:9

“At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.”

Bro. Eli Soriano:

Kahit iyong anghel, ayaw paluhurin si Juan sa kaniya. Lumuhod siya sa harap ng anghel. Sabi ng anghel, “Huwag mong gagawin iyan. Hindi tama iyan. Masama iyan.” Bakit? “Kapwa mo rin ako alipin. Nilalang din ako.” Ang dapat sambahin ay iyong Lumalang. Kaya halimbawa si Maria’y buhay, naku, hindi ka puwedeng lumuhod kay Maria. Pagbabawalan ka ni Maria. Iyong talagang Maria, walang taong lumuhod doon. Hindi pumayag si Maria sa buong buhay niya na niluhuran siya ng kahit na sinong tao. Bakit? Bawal kasi. Hindi mo kailangan ng paliwanag o opinyon, kapatid. Huwag kang maniniwala sa opinyon. Hindi naman ‘ika sinasamba iyan. Iyan ‘ika’y iginagalang lang. Sabi mo. Pero ang sabi ng Biblia, huwag kang luluhod, huwag kang mananalangin sa kanila. Ang ginagawa mo, lumuluhod ka talaga, nananalangin ka. Hinahalikan mo pa nga. Kaya alam mo, kapatid, huwag kayong magagalit. Kahit anong pangangatwiran ang gawin ninyo, bawal iyan na sumamba ka kahit kanino pang iba. Ang Dios lang ang sinasamba, hindi ang apostol, hindi si Maria, hindi ang anghel, hindi ang arkanghel. Bawal ng Dios iyan. Ang tunay na pagsamba, sasamba ka sa Dios sa espiritu at sa katotohanan, sapagkat…

Juan 4:24

“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”