Tanong:
Maaari po bang makausap ang mga patay?
Bro. Eli Soriano:
Wala tayong pakialam sa daigdig ng mga patay. Wala ring pakialam ang mga patay sa daigdig ng mga buhay. Kaya nga pinaghiwalay iyan. Pakinggan ninyo ho sa Eclesiastes 9:5. Basa -
Sis. Luz Cruz:
Eclesiates 9:5
“Sapagka’t nalalaman ng mga buhay, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan.”
Eclesiastes 9:6
“Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”
Bro. Eli Soriano:
Kapag patay na wala ng anomang bahagi sa nagagawa pa sa ilalim ng araw. Wala na silang pakialam. Kaya ang buhay, Bro. Josel, makikipag-usap ka sa patay, kasuklam-suklam ka sa Dios. Basa. Pinaghiwalay na nga. Basahin natin -
Sis. Luz Cruz:
Deuteronomio 18:10
“Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,”
Deuteronomio 18:11
“O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay.”
Bro. Eli Soriano:
Bawal ngang sangguniin na ang patay. Ewan ko lang doon sa iba. Ang patay, kinakausap pa, “Daddy, huwag mong kakalimutan love kita.” Kung kailan patay ay love daw niya. Noong buhay doon mo siya love. Huwag mong lalapastanganin, susundin mo. Ipakita mo sa nanay mo at sa tatay mo na sila’y mahal mo, pero pagka namatay na ipagpasa Dios mo na. Huwag mo nang kakausapin. Bawal ng Dios iyong sumasangguni sa patay. Dahil pagka sumangguni ka, hindi naman sasagot ang patay. Alam mo ang sasagot? Masamang espiritu para iligaw ka. Kaya bawal ng Dios iyon.
Ang patay kasi ay hindi na magsasalita iyan. Hindi na iyan magpaparamdam. Ang sabi ng iba ay nagpaparamdam daw sa ikatlong araw. Masamang espiritu iyon. Hindi iyon ang tatay mo. Ang katunayan, natatakot ang iba. Ayaw umuwi sa bahay on the third day. Kung talagang ang tatay mo iyon, abangan mo at itali mo huwag mo nang paalisin. Tatay mo pala iyon. Masamang espiritu iyon. Iyan ang dapat ninyong maintindihan.
Kaya alam ninyo, marami tayong paniniwala na kaya natin napaniwalaan dahil wala tayong malay sa Biblia. Basahin natin ang Job.
Sis. Luz Cruz:
Job 7:9
“Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala, Gayon siyang bumababa sa libingan ay hindi na aahon pa.”
Job 7:10
“Siya’y hindi na babalik pa sa kaniyang bahay...”
Bro. Eli Soriano:
Iyon palang nasa libingan, hindi na aahon o babalik man sa bahay. Nagpapamisa, nagpapadasal ng 40 araw at 40 gabi para huwag bumalik sa bahay. Hindi naman talaga babalik iyon. Kaya nga ayaw ng Dios na ang taong buhay ay sasangguni sa patay kasi inihiwalay Niya na nga ang patay sa buhay. Ang patay ay nasa kamay na ng Dios. Job 12:10. Basa -
Sis. Luz Cruz:
Job 12:10
“Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa’t bagay na may buhay…”
Bro. Eli Soriano:
Nasa kamay na ng Dios iyon. Ipagpasa-Dios mo na. Huwag mo nang ipapanalangin, huwag mo na ring aalayan ng kandila. Bakit? Nasa kamay na ng Dios. Bayaan mo na roon. Mas alam ng Dios ang gagawin Niya kaysa sa iyo. Tama?
Bro. Josel Mallari:
Tama po.
Bro. Eli Soriano:
Tayo ay inililigaw lang. Kaya ang natatakot na babalik daw sa ikatlong araw, ang masasamang espiritu, nakita na natatakot ka, tatakutin ka nga. Makakaamoy ka ng kandila, mga bulaklak, tuyo o kung anu-anong naaamoy mo. Kasi tinatakot ka nga ng masamang espiritu. Hindi ba ganoon iyon, Bro Josel?
Bro. Josel Mallari:
Opo.