Takda ba ng Dios ang pagsubok sa buhay ng tao?

Tanong:

Kalooban ba ng Dios ang paghihirap sa buhay na ito?

Bro. Eli Soriano:

Kung mayroong hindi magandang pangyayari sa buhay ng sinoman, huwag nating idamay ang Dios doon. Kung minsan ang hindi magandang pangyayari, kasalanan natin. Kasalanan ng tao. 

Halimbawa, mayroong isang babae, sabihin na nating umalembong. Kasi mas madaling maintindihan iyon. Noong panahon ng lola ko, ang tawag “alembong.” Ang ibig sabihin, nag-flirt. Ano ba ang “flirt”? Sa ibang termino, mayroong umalembong, nagkagusto sa lalake, et cetera. Nabuntis. Ang Dios ba ang may gusto noon na mabuntis ka ay dalaga ka? Hindi naman gusto ng Dios na nabubuntis ang dalaga o kaya’y ang tatay niya ay pinagsamantalahan ang anak. Gusto ba ng Dios iyon? Bawal nga ng Dios iyon. Ayaw ng Dios iyon. Pakinggan mo sa isang talata ng Levitico. Ganito ang ating mababasa –

Bro. Daniel Razon:

Levitico 18:6-11

“Huwag lalapit ang sinoman sa inyo sa kanino man sa kaniyang kamaganak na malapit, upang ilitaw ang kaniyang kahubaran: ako ang Panginoon.

Ang kahubaran ng iyong ama, o ang kahubaran ng iyong ina ay huwag mong ililitaw: siya’y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kahubaran niya.

Ang kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw: yaon nga’y kahubaran ng iyong ama.

Ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sarili o sa ibang bayan, ay huwag mong ililitaw ang kahubaran nila.

Ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalake, o ng anak na babae ng iyong anak na babae, ay huwag mong ililitaw ang kahubaran nila: sapagka’t ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin.

Ang kahubaran ng anak ng babae ng asawa ng iyong ama, na naging anak sa iyong ama, siya’y kapatid mo, huwag mong ililitaw ang kahubaran niya.”

Bro. Eli Soriano:

Nakita mo? Bawal nga mag-asawa sa kamag-anak na malapit. Bawal mag-asawa sa pamangkin mo, sa tiyahin mo, sa kamag-anak na malapit, sa anak mo. Mayroong magulang, ni-rape ang anak niya. Gusto ba ng Dios iyon? Bawal nga ng Dios iyon, kapatid. 

Kaya sa tanong mo, iyon bang mga hindi magandang pangyayari sa buhay ay itinakda ba o sadyang ipinahintulot ng Dios? Hindi nga gusto ng Dios iyon. Kaya lang, ang tao ay mayroong sarili niyang pagpili. Ang tawag natin doon ay free choice, freewill. Sometimes we can do things which are against God’s will. That’s why we are going to answer for the penalty of our sins or our actions. Hindi lahat ng nangyayari sa buhay ng tao, gusto ng Dios. Minsan nangyayari ang gusto mo. 

Kaya nga noong manalangin ang Panginoong Jesus sa Ama, ang binasa natin kaninang talata, ang sabi Niya, “…Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” 

Iyon ang masunurin. Ang pinangyayari ay ang kalooban ng Ama, kagaya ni Cristo. May tao, rebelde, ayaw sumunod sa Dios. Ang gusto niya ang ginagawa niya. Kaya pati anak niya, sobrang kawalanghiyaan niya, pati anak niya ay nire-rape niya. At hindi isang pangyayari mayroong ganyan. Ang mga pangyayari na iyan, hindi gusto ng Dios iyan. Kaya lang binibigyan nga tayo ng Dios ng kalayaan na mamili sa mundong ito para kung ikaw ay magiging dapat sa Dios, it’s your choice, ikaw ang namili. Kung mapapahamak ka, ikaw rin ang namili. Hindi mo masisisi ang Dios kasi pinamili ka Niya. Sa Deuteronomio 30:19 –

Bro. Daniel Razon:

Deuteronomio 30:19

“Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi;”

Bro. Eli Soriano:

Nakita mo? Dalawa ang inilagay Niya – buhay at kamatayan, pagpapala at sumpa. Ikaw na ang bahala pero kung susunod ka sa Dios, ang sabi Niya ay, …piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay…” Piliin mo ang pagpapala. Eh, mayroong mga tao ang pinipili ay iyong masama. Basahin natin ang Juan 3:19 –

Bro. Daniel Razon:

Juan 3:19

“At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa.”

Bro. Eli Soriano:

May mga tao ang gusto pa ay ang kadiliman kaysa doon sa liwanag o sa ilaw. Kaya nang ang Panginoong Jesucristo’y dumating dito sa lupa ay pinatay pa nila. Nakita mo? Wala namang ginawang masama si Cristo, puro kabutihan ang ginawa – nagpagaling ng mga lumpo, mga bulag ay pinadilat, pinakain ang mga tao, gumawa ng kung anu-anong kabutihan. Pagkatapos, pinatay pa ng mga tao. Hindi ba napakasasama ng mga tao na iyon? Imbes na gantihan ng mabuti ang mabuti ay ang iginanti ay masama. Kaya iyon ang nakasulat sa Awit na naranasan ng Panginoong Jesus. Basahin natin ang Awit 109:4 –

Bro. Daniel Razon:

Awit 109:4

“Sa kabayaran ng aking pagibig ay mga kaaway ko sila: Nguni’t ako’y tumatalaga sa dalangin.”

Awit 109:5

“At iginanti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, At pagtatanim sa pagibig ko.”

Bro. Eli Soriano:

Ang iginanti nila sa kabutihan ay kasamaan, at ang pagmamahal Niya, ang iginanti nila ay pagtatanim, hatred. Mayroong mga ganoong tao. Kaya ang mga taong iyon na ang pinipili ay ang gusto nilang gawin, nakakagawa ng gusto nilang gawin kasi may kalayaan tayong mamili. Kaya huwag nating isisisi sa Dios.

Halimbawa, umalembong ang isang babae. Nabuntis nang hindi naman kasal. Ayaw naman ng lalake, napilitan lang dahil inalembongan niya. Ngayon, nabuntis. Ang gagawin ngayon ay iinom ng pills pampalaglag. Hindi nalaglag ang bata, nagtuloy. Noong lumitaw ang bata ay walang isang paa. Noong lumitaw ang bata ay walang tainga o kaya ay pilay. Iyon ay masamang pangyayari, ang sabi. Ang Dios ba ang may gusto noon? Ikaw ang may gusto kasi uminom ka ng pills. Gusto mong ilaglag. Iyon ang halimbawa na hindi lahat ng nangyayari sa mundo ay gusto ng Dios. May nangyayari na gusto ng tao at dahil kaya nangyayari, binigyan ng Dios ang tao ng kalayaan.