Tanong:
Totoo ba na malapit nang magunaw ang mundo?
Bro. Eli Soriano:
Ang sabi ng Biblia, dadating muna ulit si Cristo. Tapos, ililigtas Niya ang mabubuting tao. Tapos, magkakaroon pa ng isang libong taon na parang grace period ng mga nabubuhay. Doon, ang mga hindi kumilala kay Cristo, bibigyan ng pagkakataon. Maswerte ka kung mabubuhay ka pa. Kaya kailangan, habang buhay tayo ngayon ay kumilala na tayo kasi baka kapag dinatnan ka ng kamatayan, hindi ka na makakasama doon sa isang-libong taon. Mayroong isang libong taon pa. Pagdating ni Cristo, mayroon pang isang-libong taon na mangyayari, na iyong mga taong hindi nakakilala, bibigyan ng chance, iyong mga nabubuhay.
Ngayon, kung halimbawa dadating ngayon si Cristo, may kukunin Siyang mga mabubuting tao. Isasama Niya sa Kaniyang kaharian. May maiiwan. Bilyun-bilyon iyong mga maiiwan. Maraming bilyon na-- Iba’t-ibang relihiyon na hindi kumikilala kay Cristo. Siguro mga apat o limang bilyon iyang mga hindi naniniwala kay Cristo. Bibigyan sila ng grace period, iyang mga buhay, puwera ang mga patay na. Ang mga buhay, bibigyan sila ng grace period na isang libong taon. Pagkaraan ng isang libong taon, doon pa lang magwawakas ang mundo. Doon pa lang magugunaw ang mundo. Kaya hindi totoo na malapit nang magunaw ang mundo, Ang malapit ay ang pagdating ni Cristo. Malapit nang dumating muli si Cristo. Pero pagdating ni Cristo, bibilang ka pa ng isang libong taon, iyon ang tinatawag na millennium, bago magunaw ang mundo.
Kaya, ngayon kung pag-uusapan natin… Itatanong mo kung malapit na bang magunaw ang mundo? Hindi, matagal pa iyon. Iyon ang ibig kong sabihin, kapatid. Kaya, huwag kang maniniwala na ang mundo ngayon, ay malapit nang magunaw. Hindi totoo iyan. Actually, kamakailan, nagdesisyon si President Obama ng Amerika, na i-dismantle ang pinaka kauna-unahang nuclear bomb ng Amerika. Napakalakas na nuclear bomb, idinis-mantle na ng Amerika iyon para manguna ang Amerika, sa mga bansa na i-dismantle na ang mga nuclear bomb sa mundo. Ang Amerika ngayon ang kumukuha ng initiative na ang Russia, ang China, at ang iba-ibang mga bansa ay magbawas na ng nuclear arsenal.
Kasi natatakot na rin ang America na kapag ang mga nuclear bomb na iyan ay nag-umpisang magsasabog, magugunaw ang mundo. Ako, hindi naman ako natatakot kasi hindi ako naniniwala na ang tao ang makakawasak totally sa mundo. Ang Dios ang magwawasak sa mundo, pagdating ng nakatakdang panahon. Kaya, hindi totoong magkakaroon ng nuclear war, mamamatay ang lahat ng mga tao. Hindi totoo iyon. Hindi totoo iyon.
Mayroon pang isang libong taon na darating pagkatapos ng ating henerasyon. Itong henerasyon natin, ang maaaring huling henerasyon na ng mga tao, bago dumating si Cristo. Pagdating ni Cristo, isang libong taon pa bago magunaw ang mundo. Iyon ang sagot ko sa tanong mo, kapatid.